Isang babae ang nasawi matapos barilin nang malapitan sa likod ng ulo sa Pigcawayan, Cotabato.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, makikita sa CCTV camera nitong Sabado ng gabi ang isang lalaki na lumapit sa babaeng biktima na nasa tindahan at nakatalikod.
Ilang saglit lang bumunot na ng baril ang lalaki at binaril sa likod ng ulo ang babae.
Natumba ang biktima at tumakas naman ang salarin sakay ng motorsiklo kasama ang kasabwat.
Isinugod sa ospital ang babae pero idineklarang dead on arrival.
Kabilang umano sa motibo sa krimen na tinitingnan ng mga awtoridad ang alitan kaugnay sa illegal recruitment.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para makilala rin ang mga nakatakas na salarin. – FRJ GMA News
