Isang 23-anyos na estudyante na magtatapos na sana sa pag-aaral ngayong buwan ang nasawi matapos maaksidente habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Urdaneta City, Pangasinan. Ang biktima, nasagasaan ng truck.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya nitong Sabado ng hapon sa kahabaan ng Manila North Road sa Barangay Tulong.

Ayon sa pulisya, ikinuwento ng angkas ng biktima na nakaligtas, na biglang nag-break ang motorsiklo na nasa kanilang unahan.

Nabangga umano nila ang likod ng motorsiklo, at napunta sila sa kabilang linya ng kalsada kung saan nasagasaan ng truck ang biktima.

Mabilis umano ang takbo ng truck at nakadkad pa nito ang motorsiklo at nagliyab.

Nasawi ang rider habang nadala naman sa ospital ang kaniyang angkas na nakaligtas.

Nakaligtas din ang driver ng truck at pahinante matapos na masunog din ang kanilang sasakyan.

Labis naman ang paghihingpis ng pamilya sa sinapit ng biktima na pauwi na noon nang mangyari ang insidente.

Napag-alaman din na nakatakda na sanang magtapos sa pag-aaral ang biktima ngayong buwan.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng truck, ayon sa ulat.—FRJ GMA News