Sa latest episode ng vlog ng Kapuso journalist na si Susan Enriquez, ibinahagi ng dating aktres na si Cita Astals ang kaniyang buhay at “pagkakamali” nang isapubliko niya noon ang kaniyang mental health codition na bipolar disorder.

Kuwento ni Cita na naging konsehala rin noon sa Maynila, taong 2011 nang ma-diagnose siya na may bipolar disorder.

“Dapat confidential ’yan, ako lang ang nagkamali,” aniya. “Akala ko maiintindihan ng mga tao pero hindi pala.”

"I was hoping my coming out in the open will help people understand and cut down on stigma, kaya lang hind rin nangyari," patuloy ni Cita. "Ang problema, sa tagalog, any mental illness naka-lump sum na 'baliw'."

Sa panayam, ibinahagi niya ang naging epekto ng ginawa niyang pag-amin. “Anumang pagkakamali ang magawa mo—kahit ano—kapag naglalakad ka sa kalsada, maririnig mo ang mga tao na nagsasabing ‘ayan, naglalakad na naman ’yung baliw.’”

"Minsan mapapa-away ka kasi may mga tao — nandiyan ka nakatayo, lalapit 'baliw yan.' Pag binalikan mo, they deny it," saad pa niya.

Nag-umpisa umano ang lahat noong 2009-2010, nang ninakaw daw ang lupa ng kaniyang ina sa Mindanao.

“Yon ang puno't dulo," ani Cita. Bukod sa pinahirapan siya, pinalabas umano na baliw siya para hindi niya mabawi ang lupa ng kaniyang ina.

"Ang problema they rehash it every seven years," sabi pa ni Cita.

Ipinaliwanag din ni Cita kay Susan, ang kondisyon niyang bipolar. Aniya, “hindi sakit sa pag-iisip kundi sakit sa mood.”

May iniinom umano siyang gamot na napakababa lang ng dosage.

"It comes with extreme stress but once uminom ka ng gamot, you're fine," paliwanag niya.

Paliwanag ng Mayo Clinic tungkol sa bipolar disorder: "it is a mental health condition that causes extreme mood swings. These include emotional highs, also known as mania or hypomania, and lows, also known as depression. Hypomania is less extreme than mania."

Dating tinatawag na manic depression, may iba’t ibang uri ang bipolar disorder, kabilang ang Bipolar I, na nakararanas ang pasyente ng, “at least one manic episode that may come before or after hypomanic or major depressive episodes."

"In some cases, mania may cause a break from reality. This is called psychosis," ayon pa sa Mayo Clinic.

Samantalang ang Bipolar II, ang pasyente ay nakaranas ng, “at least one major depressive episode and at least one hypomanic episode."

Panghabambuhay na kondisyon ang bipolar disorder pero maaaring kontrolin sa tamang plano ng gamutan.

Kilala si Cita sa kaniyang papel bilang Hilary sa “Home Along the Riles.” Mula sa showbiz, pumasok siya sa politika at nagsilbi bilang konsehal sa Maynila sa loob ng tatlong termino.

Noong 2016, tumakbo siyang kongresista para sa isang party-list group.

Sa kasalukuyan, nakatira si Cita sa Dasmariñas, Cavite, at tinutulungan siya ng kaniyang mga kapitbahay. Ipinasyal din niya si Susan, at pinuntahan nila ang paboritong karinderya ni Cita.

Ginugugol umano niya ang kaniyang oras sa pagbabasa at pananaliksik.

"My mental health is fine," ani Cita. "Emotionally I'm pretty OK considering all the harrassment I'm going through." — FRJ GMA News