Hinikayat ng isang kongresista si dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na muling tumakbong pangulo sa 2028 elections.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na hinihikayat niya si Roxas--na kapuwa niya kasapi sa Liberal Party-- na muling pasukin ang pulitika.
“Sa pagkakakilala ko sa kaniya, mahal niya ang bayan at hindi siya tatanggi sa tawag ng bayan,” sabi ni Erice nang tanungin kung bukas si Roxas na tumakbo sa 2028 poll.
Kumandidatong pangulo si Roxas noong 2016, at natalo kay dating pangulong Rodrigo Duterte. Pag-amin ni Erice, nasaktan si Roxas sa naturang kabiguan.
“Alam mo ’yang si Mar Roxas, parang ’yang nanligaw, na-basted, masakit ’yung pagkaka-basted sa kaniya. Pero sa nangyayari sa bayan natin, dahil mahal niya ang bayan natin, aba’y nasasaktan 'yan. At ‘pag tinawag mo ’yan, lalaban siya para sa bayan,” paliwanag ng mambabatas.
Sinisikap pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag si Roxas.
Samantala, sinabi ni Erice na nagpahayag na si Naga City Mayor Leni Robredo na ayaw niyang tumakbong pangulo sa 2028 at hindi na umano dapat pilitin ang dating bise presidente.
Kamakailan lang, inihayag ni Vice President Sara Duterte ang hangad niyang tumakbong pangulo sa 2028 elections. Nahaharap siya sa impeachment complaints sa Kamara de Representantes.
“Pag na-impeach si Vice President Sara, ang maglalaban ay yung dilaw at pula. Kaya nga mas maganda na hindi ma-impeach eh dahil walang kandidato yung pula. Dilaw lang kami," ani Erice. — Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA News
