Nagkaroon ng kaguluhan sa sa huling araw ng voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Magsaysay, Lanao del Norte.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, makikita sa video na nagtakbuhan papasok ng isang gymnasium ang ilang kababaihan matapos makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril sa Barangay Poblacion.
Kaagad namang kumilos ang mga pulis para pahupain ang tensyon.
Gayunman, lalo pang lumala ang sitwasyon nang makisali sa kaguluhan ang ilang kalalakihan, dahilan upang magpaputok ng warning shots ang mga awtoridad.
Ayon sa Lanao del Norte Police Provincial Office (LDNPPO), nagsimula ang tensyon nang tangkain umanong magparehistro ng ilang tao na hindi na residente ng bayan.
“Allegedly, yung iba, hindi nakatira sa barangay, pero taga-doon, ang claim naman ng kabila ay bakit kayo magre-register dito na hindi naman kayo taga-dito. Kasi naghahanapbuhay sila sa mga adjacent municipalities,” ayon kay LDNPPO PCADU Chief, Police Lt. Col. Cadapi Dansal.
Tumagal umano ang kaguluhan dahil karamihan sa mga sangkot ay mga babae at hindi sapat ang bilang ng mga babaeng pulis para umawat.
Wala namang naiulat na malubhang nasaktan sa insidente at matagumpay na natapos ang voter registration.
Inihayag ng pulisya na isolated case ang nangyari. Sinisikap pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa naturang insidente.—FRJ GMA News
