Magiging kasangga ni Alexandra “Alex” Eala ang living legend sa tennis na si Venus Williams sa doubles draw ng Bad Homburg Open, ayon sa ulat ng Tennis Channel.
“Venus, however, is on the entry list for the Bad Homburg event in advance of Wimbledon with Alex Eala,” ayon sa report.
Pasok din sina Eala at Williams, kasama ang manlalaro ng Germany na si Eva Lys, sa main draw wildcards para sa singles competition ng WTA 500 tournament sa Bad Homburg, Germany.
Magiging isang pambihirang pagkakataon ang pagtatambal ng dalawa para sa 20-anyos na Pinay tennis ace na makasama bilang kakampi sa isang court si Williams, na pitong beses na naging kampeon ng Grand Slam singles.
Noong nakaraang Enero, tinalo nina Eala at Iva Jovic ang tambalan nina Venus Williams at Elina Svitolina sa Round of 16 ng ASB Classic.
Samantala, sisimulan ni Eala ang kaniyang grass-court season ngayong Lunes sa WTA 125 Birmingham Open, at nakatakda rin siyang lumahok sa doubles kasama ang Czech tennis player na si Nikola Bartunkova. —FRJ GMA News

