Isang 38-anyos na pari na sakay ng motorsiklo ang nasawi matapos mabangga siya ng isang prime mover truck sa Panabo City, Davao del Norte, nitong Huwebes, Hunyo 18, 2026.

Ayon sa GMA Super Radyo Davao na iniulat ng GMA Regional TV, sinabi ni Panabo City Police Station chief Lt. Col. Dexter Cuevas, na patungo ang biktima sa Davao City sakay ng kaniyang motorsiklo.

Pero habang nasa biyahe, nawalan ng kontrol ang pari sa minamaneho niyang motorsiklo sa kurbadang bahagi ng kalsada na dahilan para matumba siya.

Dahil dito, nabangga siya ng truck na sumusunod sa kaniyang motorsiklo.

Nagtamo ang biktima ng maraming pinsala sa katawan at agad na isinugod sa ospital, ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.

Nasa kustodiya ng pulisya ang truck driver habang isinasagawa ang imbestigasyon sa nangyari.—FRJ GMA News