Magsasagawa ng kilos-protesta ang ilang religious groups na tinatawag na “White Ribbon Movement March” upang tuligsain ang katiwaliang nagaganap sa bansa. Gaganapin ito sa darating na Hunyo 28 sa People Power Monument. Bagaman welcome na dumalo ang mga politiko, hindi naman sila papayagan na umakyat at magsalita sa entablado.

Sa isang pahayag, sinabi ng kilusan na inaasahang aabot sa 10,000 katao ang lalahok sa pagtitipon upang manalangin at ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa korupsiyong patuloy na nangyayari sa bansa.

Sa panawagang “Lahat ng sangkot, dapat managot!”, pinangalanan itong “White Ribbon” upang ipakita na wala silang kinakampihan na anumang partido o kulay sa pulitika.

Ayon kay Bishop Efraim Tendero, global ambassador of the World Evangelical Churches, pagpapatuloy ito ng Trillion Peso March na isinagawa noong Setyembre ng nakaraang taon.

Binubuo ang kilusan ng mga grupong Katoliko, Kristiyano, Muslim, at iba pang mga samahang sibiko.

“Nagkasama-sama para ating pag-isip-isipan, ano ba ang kinabukasan ng ating bansa? While ang ating constitution ay nagsasabing, there’s a separation of church and the state, we cannot separate the state from God at nais nating maipakita bilang religious leaders nandoon po ang ating pagnanasa para po sa kaayusan at kagandahan ng ating bayan,” sabi ni Tendero sa Agenda Forum sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan.

Nanawagan ang mga grupo na wakasan ang korupsiyon, patas at tapat na usigin ang mga sangkot, suportahan ang tunay na panukalang batas laban sa political dynasty, at ipatupad ang mga reporma sa sistema ng halalan.

Ayon sa kilusan, hindi pahihintulutang magsalita ang mga pulitiko sa programa sa Hunyo 28. Gayunman, sinabi ni Kidapawan Bishop Colin Bagaforo, tagapangulo ng CBCP Episcopal Commission on Interreligious Dialogue, na malaya pa ring dumalo ang mga politiko anuman ang kanilang kulay o partido.

“On the point whether or not political leaders will be on the stage or will be given a chance to speak, the answer is negative but all are invited to be there to join us lahat ng merong sama ng loob sa korapsyon,” ayon kay Bagaforo.

Dagdag ni Bishop Tendero, kung dadalo man ang mga politiko, pagkakataon nila iyon upang magsisi kung sila ay sangkot sa katiwalian, isauli ang anumang kanilang ninakaw, o maging testigo ng estado.

“Para bagang wala tayong pakialam kung ano ang ginagawa sa atin. Niyurakan ang ating pagkatao, niyurakan ang ating karapatan, ang ating demokrasya, halos wala na, ito ay pinaglaruan lamang ng mga taong may tinatawag na self-interest,” pahayag ni Aleem Naguib Taher ng Grand Mufti-NCR.

Samantala, sinabi ni Propesor David San Juan ng grupong TAMA NA, na dapat pang paigtingin ng publiko ang kanilang pagbabantay sa impeachment trial ni Vice Presidente Sara Duterte.

Aniya, hindi rin dapat makalimutan ang mga alegasyon ng katiwalian kaugnay ng mga proyektong flood control sa ilalim ng administrasyong Marcos.

“Ang sigaw natin mula noon hanggang ngayon, lahat ng sangkot, dapat managot, idagdag na rin natin, mula dapat sa pinaka tuktok hindi yung mga meron lang mananagot,” ani San Juan.

”This type of a civil society formation, ang White Ribbon Movement, na hindi nahuhulog sa mga factional division ng mga korap kundi naglalayon na singilin lahat, singilin hindi ‘yung mismo sa paniningil natin sa mga korap, at sa mismong proseso gusto nating gawing accountable sa mga magnanakaw sa gobyerno eh meron kang itatangi na mga magnanakaw din para magkaroon ng totoong transpormasyon ang ating bansa dapat tayo ay lumagpas sa laro ng mga trapo at mga dinastiya," sabi naman ni Atty. Luke Espiritu ng Artikulo Onse.

Inaanyayahan din ng grupo ang iba pang sektor na makiisa sa gaganaping pagtitipon. – Jamil Santos/FRJ GMA News