Umabot na sa halos 10,000 ang mga nagpoprotesta malapit sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong Martes ng umaga, ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB.
Sa ulat ni Mark Makalalad, sinabi ng Quezon City Police District na umabot na sa 10,000 ang mga tao pagsapit ng 11 a.m., mga siyam na oras mula nang magsimula silang magtipon-tipon sa lugar.
Dinagdagan din ang bilang ng mga pulis na naka-deploy malapit sa monumento sa mahigit 1,000 para pangalagaan ang seguridad ng rally at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Kasabay nito, inanunsyo ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na inilagay sa full alert status ilang unit ng pulisya, kabilang ang National Capital Region Police Office (NCRPO), Central Luzon police, Calabarzon police, national support units, at mga opisina na nakabase sa Camp Crame.
Bandang 7 a.m., bumuhos ang malakas na ulan sa rally, ngunit nanatili ang mga pulis sa kanilang mga puwesto para patuloy na magbigay ng seguridad para sa mga kalahok at mga motorista.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Martes na sinusunod ng mga awtoridad “maximum tolerance,” at umapela rin sa mga nagpoprotesta na sundin ang batas.
"In connection with the Iglesia ni Cristo rally along EDSA, the DILG has directed the Philippine National Police (PNP), in close coordination with the concerned local government unit, to exercise maximum tolerance and implement appropriate security and traffic management measures to help ensure that the activity remains peaceful, orderly, and safe for all," saad sa pahayag ng DILG.
"The DILG calls on all participants and stakeholders to exercise their rights responsibly, uphold the rule of law, and cooperate with authorities throughout the activity. The Department remains committed to protecting public safety while upholding the constitutional freedoms of every Filipino," dagdag nito.
Samantala, inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ilang pagsasara ng kalsada at pinayuhan ang mga motorista na asahan ang pagsisikip ng trapiko malapit sa rally.
Ang mga sumusunod na kalsada na isinara sa trapiko ay ang:
- EDSA Ortigas Service Road (northbound)
- EDSA Ortigas Flyover (northbound)
- EDSA Ortigas Flyover (southbound)
- White Plains Avenue (eastbound and westbound)
Ayon sa MMDA, katamtaman hanggang mabagal ang daloy ng trapiko sa mga sumusunod na lugar:
- EDSA southbound: Scout Borromeo to the Ortigas split
- EDSA northbound: Guadalupe to White Plains
Sinabi ng MMDA na okupado ang isang lane ng mga sasakyang nakaparada ng mga kasali sa rally, na nakadaragdag sa pagbigat ng daloy ng trapiko.
Pinapayuhan ang mga motorista na asahan ang mga pagkaantala at gumamit ng alternatibong ruta hangga't maaari. Nagtalaga na ng mga tauhan ang MMDA upang pamahalaan ang daloy ng trapiko sa mga apektadong lugar.—Jamil Santos/FRJ GMA News
