Ikinasal na ang aktres na si Bea Alonzo sa negosyanteng si Vincent Co sa isang intimate civil wedding ceremony nitong Lunes sa Makati City Hall. Sino nga ba si Vincent Co?
Isinilang si Vincent noong Hulyo 1980, at 46-anyos na siya ngayon.
Siya ang presidente ng Puregold Group, ang kompanyang nasa likod ng mahigit 600 Puregold stores sa buong bansa, at ng membership shopping chain na S&R.
Nagtapos si Vincent ng kursong Bachelor of Science in Entrepreneurial Management sa University of Asia and the Pacific noong 2003.
Siya ang nag-iisang anak na lalaki ng bilyonaryong mag-asawa na sina Lucio at Susan Co, na nagtayo ng Puregold. Si Lucio ang direktor ng kompanya, samantalang si Susan ang kasalukuyang chairperson.
Naging usap-usapan ang kaniyang pangalan noong 2025 matapos silang makitang magkasama ni Bea sa ilang public outing.
Agosto 2025 nang kumpirmahin mismo ni Bea ang kanilang relasyon sa isang exclusive interview sa GMA Gala.
Marso 2026 nang umugong ang mga usapan na engaged na sina Bea at Vincent, matapos lumabas ang kanilang wedding banns sa isang parokya sa Maynila. Gayunman, hindi ito kinumpirma ng dalawa.
Pagdating ng Mayo, kumalat naman ang balitang ikakasal na umano sila sa Spain.
Lumakas pa ang mga espekulasyon nang bumiyahe roon ang malapit na kaibigan ni Bea na si Dimples Romana.
Kasabay ng mga usapin tungkol sa kanilang kasalan, nakita si Vincent sa isang business event sa Pasay City noong Mayo 14 kaya nanatiling palaisipan noon kung kailan at saan nga ba talaga sila magpapakasal.
– Jamil Santos/FRJ GMA News
