Naibalik na sa kanilang natural na tirahan ang hindi bababa sa tatlong Philippine tarsier na nailigtas sa pagbaha sa tabing-ilog sa Alabel, Sarangani noong kasagsagan ng malakas na ulan kamakailan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, inihayag ng Department of Environment and Natural Resources-SOCCSKSARGEN (DENR-12), na isang mag-asawa ang sumagip sa mga tarsier matapos na mangambang matangay ang mga ito ng rumaragasang baha sa tabing-ilog noong Lunes, Hulyo 13, 2026.
Pansamantalang inalagaan ng mag-asawa ang mga tarsier bago nila dinala sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Sarangani.
Batay sa isinagawang pagsusuri, natukoy na ang mga nailigtas na tarsier ay dalawang adult na lalaki at isang sub-adult na lalaki.
Ayon sa beterinaryo ng PENRO, nasa mabuting kalagayan ang tatlong tarsier at walang nakitang sugat o anumang senyales ng pinsala o matinding stress.
Nang araw ding iyon, pinakawalan ang mga ito sa isang angkop na bahagi ng kagubatan.
“The Philippine Tarsier is classified as Near Threatened by the International Union for Conservation of Nature (IUCN). Its population continues to face threats from habitat loss, human disturbance, and illegal wildlife trade,” ayon sa DENR-12.
Muli ring nagpaalala ang DENR-12 na ipinagbabawal ang paghuli, pagkuha, pagmamay-ari, pagbibiyahe, at pagbebenta ng mga ilang na hayop dahil ito ay paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act o Republic Act No. 9147.
Hinimok din ng ahensya ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang makitang ilang na hayop o mga hayop na kailangang sagipin. – FRJ GMA News
