Nahagip sa camera ang paninipa ng isang motorcycle rider sa isang lalaking nagbibisikleta sa Manila East Road sa Binangonan, Rizal.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa video ang pagtumba ng unang biktima.
Sa isa pang video, sinipa rin ng rider ang isa pang siklista.
Isinalaysay ng siklistang natumba na bago ang paninipa, nakaalitan ng kanilang grupo ang rider matapos umanong muntik siyang mabangga ng motorsiklo ng suspek.
Iniinda ng biktima ang mga sugat at pamamaga sa iba't ibang parte ng kaniyang katawan.
Isinuko naman ng kaniyang ina ang 28-anyos na rider.
Umamin ang suspek sa pulisya na nakainom siya nang maganap ang insidente.
Handa naman ang biktima na magsampa ng reklamo.
Pansamantalang pinauwi ang suspek at ipatatawag para sa imbestigasyon.
Posible siyang maharap sa reklamong attempted homicide. —Jamil Santos/AOL GMA News
