Nahuli-cam ang pagtanggal ng grupo ng mga lalaki sa road signage sa ginagawang kalsada sa Passi, Iloilo. Ang isang motorcycle rider at kaniyang angkas, sugatan matapos sumemplang.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV na iniulat sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang pagdating ng mga lalaki sa Barangay Agdahon mag-10 p.m. noong nakaraang Biyernes.
Ilang saglit pa, ginalaw nila ang isa sa mga road signage na nakalagay malapit sa ginagawang parte ng kalsada.
Makaraan ang ilang minuto, bumalik ang mga lalaki at tinumba at tinapon ang road signage bago umalis sa lugar.
Matapos nito, nagdire-diretso ang isang motorsiklo at sumemplang sa ginagawang kalsada.
Naiulat na ng mga biktima ang insidente sa barangay.
Nahanap ng barangay officials ang grupo pero hindi pa sila nakakaharap ng mga biktima. —Jamil Santos/VBL GMA News
