Nasawi ang 18-anyos na aktres na si Kaylee Hottle, na bumida sa dalawang pelikula ng Godzilla, matapos masangkot sa car accident sa Maryland, U.S., noong madaling araw ng Martes, ayon sa pulisya.

Ayon sa Frederick County Sheriff's Office, sakay si Hottle at isa pang pasahero sa 1995 Honda Accord na minamaneho ng isang 19-anyos na lalaki nang mawalan ito ng kontrol, lumihis sa dalawang-linyang kalsada, at bumangga sa kanal.

"Excessive speed is believed to be a contributing factor in the collision," ayon sa pulisya, na rumesponde sa pinangyarihan dakong 2:52 am (0652 GMT) noong Martes. Patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa insidente.

Dinala si Hottle sa ospital pero kalaunan ay idineklarang binawian ng buhay. Ayon sa pulisya, nagtamo ng mga pinsala ang driver ngunit hindi ito pinaniniwalaang nagbabanta sa kaniyang buhay, habang tumanggi naman ang isa pang pasahero na magpagamot.

Noong 2024, hinirang si Hottle para sa Saturn Award sa kategoryang Best Performance by a Younger Actor.

Ang kaniyang ama na si Joshua Hottle ang unang nagbahagi ng malungkot na balita tungkol sa kaniyang pagpanaw sa pamamagitan ng isang emosyonal na video sa Facebook gamit ang American Sign Language (ASL).

Naglabas din ng pahayag sa social media ang Texas School for the Deaf, kung saan nag-aaral si Hottle, at sinabing "tremendous loss" ang kaniyang pagpanaw.

"Our hearts are with Kaylee's family, friends, classmates, and everyone who knew and loved her during this incredibly difficult time," saad sa pahayag.

"At this time, we have very limited information and ask that everyone respect the privacy of Kaylee's family and refrain from sharing or speculating about the circumstances surrounding the accident," dagdag nito. — ulat mula sa Agence France-Presse/FRJ GMA News