Kinabahan si EA Guzman habang nasa biyahe ang sinasakyang eroplano nila ni Shaira Diaz papuntang Finland, dahil muntik nang mawala ang wedding ring niya. Ang naturang lakad, wedding anniversary trip pa man din ng dalawa.

Sa isang Facebook video na ibinahagi ni Shaira, ikinuwento niya kung paano napagtanto ni EA na nawawala ang kaniyang singsing habang nasa eroplano sila.

Ayon sa host ng "Unang Hirit," inalis ni EA ang singsing sa kaniyang daliri habang naghuhugas ng kamay dahil ayaw niya itong madumihan o aksidenteng mahulog sa lababo. Kaya inilagay niya ito sa kaniyang bulsa bago umidlip.

Ngunit pagkagising ni EA, napagtanto niyang wala na sa kaniyang bulsa ang singsing.

Hinanap na rin ni Shaira ang singsing, at tiningnan ang paligid at ang ilalim ng mga upuan ng eroplano.

Kalaunan, tumulong na rin airplane crew sa paghahanap, at ihiniwalay ang mga upuan, hanggang sa matagpuan ang wedding ring na nakaipit.

Pagdating nila sa Finland, ibinahagi ni EA ang larawan niya na fini-flex ang kaniyang wedding ring na muntik mawala, habang nakatitig si Shaira sa kaniyang likuran.

Nasa Finland sina Shaira at EA para sa trabaho at pagdiriwang ng unang anibersaryo ng kanilang kasal.

Ikinasal ang dalawa noong Agosto 2025. Nagpakasal sila noong 2021, ngunit inihayag lamang ito noong 2024. – Jamil Santos/FRJ GMA News