Dekada 90s nang pumutok ang pinakamalaking eskandalo sa showbiz na tinatawag na 1994 Manila Film Fest Scam, na nagkaroon umano dayaan sa pagtawag at paggawad ng mga nanalong Best Actor at Best Actress. Sinu-sino nga ba ang mga sangkot sa kontrobersiya, sino ang may pakana, at sino ang mga tunay na nagwagi? Alamin.

Sa episode ng Philippine Controversies Revisited ng GMA Public Affairs na si Emil Sumangil ang host, sinabing isa sa pinaka-inaabangang pagtitipon ng mga bituin noon ang taunang Manila Film Festival o Manila Tagalog Film Festival.

Itinatag ito noon pang dekada 60 at ginaganap tuwing Hunyo, na kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Maynila. Iba pa ito sa Metro Manila Film Festival o MMFF, na pinanonood tuwing Disyembre.

Patok sa takilya ang mga pelikulang tampok sa MFF, habang tinututukan ng sambayanan ang Gabi ng Parangal na bino-broadcast live sa mga telebisyon. Kaya naman “big deal” talaga sa mga artista noon na mapabilang o manalo sa MFF para sila mapag-usapan, makilala at mas lalong sumikat.

Gabi ng Parangal noong Hunyo 22, 1994 nang magtapatan sa Major Acting Awards para sa Best Actor sina Richard Gomez, Edu Manzano at Gabby Concepcion. Samantala, naglaban naman sa pagka Best Actress sina Plinky Recto, Aiko Melendez at Ruffa Gutierrez, na kakapanalo lamang noon bilang Second Princess sa Miss World 1993.

Ang presenters naman para sa Best Actor Award, ang aktres noon na si Nanette Medved, at Best Actress nominee na si Ruffa Gutierrez.

Inanunsyo nila na nananalong Best Actor si Gabby Concepcion.

Pagdating naman sa Best Actress, presenters sina Gretchen Barretto, ang nakababatang kapatid ni Ruffa na si Rocky Gutierrez at ang beauty queen na si Viveka Babajee, na kandidata ng bansang Mauritius sa katatapos lamang noong Miss Universe 1994 na ginanap dito sa Pilipinas.

Sa pag-anunsyo, si Gretchen ang may hawak ng resulta. Subalit nang babanggitin na niya ang nagwagi, biglang sumingit si Viveka at inanunsyong “The 1994 Manila Film Festival Best Actress, Ruffa Gutierrez!”

Mapapansin na todo ang ngiti sina Viveka at Rocky sa pagkapanalo ni Ruffa, ngunit tila nagtataka naman ang reaksyon na makikita sa mukha ni Gretchen.

Habang gulat pa rin si Greta, binitawan ni Viveka ang kaniyang naging iconic line sa iskandalo na, “Take it! Take it!”

Inutusan umano ni Viveka si Rocky na kunin ang papel kay Gretchen na naglalaman ng tunay na nanalo.

Kalaunan, ibinunyag ng noo’y Manila Mayor na si Alfredo Lim sa entablado na nagkaroon ng dayaan.

Tinawag niya sa stage ang Sycip, Gorres Velayo & Company, ang accounting firm na inatasang mag-tabulate ng scores para sa acting awards.

“Ang talagang nanalo si Edu (Manzano) and Aiko (Melendez). Hindi naman sila, hindi naman si Gabby Concepcion, hindi naman si Ruffa,” sabi ni Mayor Lim.

Binigyan ni Mayor Lim sina Gabby at Ruffa ng hanggang 6 p.m. ng Hunyo 23, 1994 para ibalik ang mga tropeo na ibinigay sa kanila.

Ngunit giit ni Ruffa, wala siyang kinalaman sa eskandalo kaya tumanggi siyang isauli ang award.

“I am an innocent victim of it. I did not know about that fiasco and I have nothing to do with it,” sabi ni Ruffa.

Ang manager naman ni Gabby na si Lolit Solis, nagbantang susunugin ang tropeo sa harap mismo ng Manila City Hall.

Bago niya ibalik ito, bumuo rin si Lim ng fact-finding committee sa pangunguna ni Manila Vice Mayor noong si Lito Atienza para iimbestigahan ang insidente. Nag-issue rin si Lim ng summon na dumalo sa isang inquiry sa Manila City Hall ang mga sangkot.

Kasama sa mga pinatawag ang ina at manager nina Rocky at Ruffa na si Annabelle Rama.

Sa isang presscon, pinangalanan ng whistleblower na si Gretchen ang mastermind sa naganap na dayaan, na walang iba kundi ang manager ni Gabby na si Lolit.

“Ang nakita ko si Lolis Solis. Niyakap niya ako at sinabi niya sa akin na mahal niya ako. Tapos sinabi niya sa akin ‘Hindi mo ba mahal si Ruffa? At ang sinagot ko na ba sa kaniya ay ‘Oo.’”

Inilahad ni Gretchen na pinangakuan siya ni Lolit Solis na ibibigay sa kaniya ang Best Actress Award sa susunod na taon kung papayag siyang makipagsabwatan sa plano nito.

Binanggit din ni Gretchen sa kaniyang expose si Annabelle Rama. Mariing pinabuluanan nina Lolit at Annabelle ang mga paratang.

Hunyo 27, 1994 nang magtungo si Ruffa sa opisina ni Mayor Lim, kasama ang inang si Annabelle at amang si Eddie Gutierrez, para personal na ibalik ang kaniyang trophy.

Si Manay Lolit naman ang nagbalik ng Best Actor Trophy ni Gabby.

Kinasuhan ng Manila City Government ng kasong fraud, grave scandal at obstruction of justice ang manager nina Gabby at Ruffa na sina Lolit at Annabelle.

Kasama rin sa kinasuhan ang mga presenters na sina Viveka, Rocky at Nanette Medved, pati na rin sina Gabby at Ruffa.

Kalaunan, binansagan silang “Filmfest 7.”

Si Viveka, binansagang “Miss Malicious,” at ideneklarang persona non grata ng Manila LGU.

Umalis ang beauty queen ng bansa apat na araw makaraan ang eskandalo. Sa isang interview bago ang kaniyang flight, sinabi niyang naniniwala siyang may binalak na dayaan, pero mariing itinanggi na may kinalaman siya rito at biktima rin siya.

Giit pa ni Viveka, ang binasa niyang pangalan sa cue card ng Gabi ng Parangal ang pangalan ng kaibigang si Ruffa at ang kaniya namang iconic na linyang “Take it! Take it!” ay hindi para utusan si Rocky na ibulsa ang resulta, kundi para kunin ang trophy ni Ruffa.

Si Nanette naman, na alaga ni Manay Lolit, umaming kasali siya sa nangyaring dayaan at ginawang state witness. Sinabi niyang sangkot din si Ruffa sa dayaan, bagay na itinanggi ni Ruffa.

Si Gabby, itinuro ang manager na si Lolit bilang mastermind.

“She told the truth. She told me everything. She told me that she was forced by Lolit to say my name, not Edu Manzano. So, I feel really sorry for Nanette because she was frightened, she was scared,” saad sa panayam noon.

Hindi na itinanggi ni Manay Lolit ang mga alegasyon.

“Hindi naman sila siguro dapat isali pa dahil ako naman ho talaga ang nag-utos sa kanilang lahat. Ako lang naman ho ang nagpalit noon. At totoo po ‘yung sinabi ni Nanette na pinilit ko siya. Doon naman ho kay Gretchen, totoo rin hong pinilit ko siya,” pag-amin ni Nanay Lolit.

Humingi si Nanay Lolit ng tawad sa publiko, at iginiit na nagawa niya lamang ito sa sobrang pagmamahal kay Gabby, na dumadaan sa mabibigat na pagsubok.

Matatandaang na-annul ang kasal nina Gabby at Sharon Cuneta noon, at inakusahan pa ng bigamy.

Sa gitna ng mga espekulasyon, itinanggi nina Ruffa at Annabelle ang pagkakasangkot nila sa dayaan sa awards night, na pinatotohanan ni Lolit.

Sa pitong dawit sa kaso, si Manay Lolit lamang ang na-convict at pinagmulta.—FRJ GMA News