Isa na lang sa apat na kabataan na nawala matapos tumalon sa isang ilog ng Sta. Maria, Bulacan ang hinahanap matapos na matagpuan na ang tatlo sa kanila subalit wala nang buhay.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing isa sa mga bangkay ang natagpuan sa mababaw na bahagi ng tubig sa Barangay Parada sa Sta. Maria, Bulacan dakong 5:00 pm noong Miyerkules.

Nakilala ang biktima na 17-anyos na si John Norbert Nipay mula sa Barangay Sto. Cristo.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), nalunod siya sa Cabungan River noong Lunes.

“As per witness… tumalon din po ito sa ilog. Allegedly, gustong maligo or tatawid daw po sa ilog kaya lang po malakas na din po yung current kaya tinangay na din po itong si John Norbert,” sabi ni San Jose Del Monte DRRMO head Gina Ayson.

Ayon sa CDRRMO Nurse responder na si Rotsen Diaz, naglalakad sila sa lugar nang may tumawag sa kanilang atensyon tungkol sa nakitang katawan.

“Kaya ang ginawa po namin, nilangoy pa po namin sa kabilang side yung bangkay po. Pagdating po doon, nakita na po namin yung bangkay,” ani Diaz.

Kinilala ng mga kaanak si Nipay dahil sa kaniyang suot na bracelet.

Sa ulat naman ni Oscar Oida, sinabing nakita ang bangkay ng dalawang biktima na 13-anyos sa bahagi ng Marilao nitong Huwebes ng umaga, 15 kilometro ang layo sa huling lugar na nakita sila sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon kay Gaya Gaya Barangay Captain Ryan Santos, isang mangingisda ang nakakita sa katawan ng mga binatilyo na lumulutang sa ilog.

Kinilala ng mga kaanak ang mga biktima na sina Ronjean Justine Alceso mula sa San Jose Del Monte, at Raizen Karl Delos Reyes na mula naman sa Caloocan.

Ayon kay Jean Alceso, ina ng isa sa mga biktima, kagagaling lang ng kanilang pamilya sa bakasyon sa Tacloban nang ayain ng kaklase ang anak niya.

Hindi umano niya alam na maliligo ang anak sa ilog.

Matapos makita ang tatlong biktima, isa na lamang ang patuloy na hinahanap.— Jean Mangaluz/FRJ GMA News