Sinabi ng Malacañang na hindi alam ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isiniwalat ni dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan tungkol sa umano’y ₱24-bilyong “leadership fund” na inilaan noon para sa mga senador.
“Kung alam ng Pangulo, hindi mangyayari ‘yan,” ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa Palace briefing nitong Huwebes.
“Parang teacher. Kapag kayo’y nangopya, ipapalaam ninyo ba sa teacher ninyo? ‘Pag nahuli kayo ng teacher, anong gagawin ng teacher? Hindi ba bibigyan kayo ng penalty? So ‘yun na lang — kung alam ng Pangulo ‘yan, hindi niya ‘yan ito-tolerate at hindi ‘yan mangyayari,” dagdag niya.
Sinabi ni Castro na ginagawa kung minsan nang palihim ang naturang uri ng mga kasunduan.
Idinagdag ng opisyal na hindi rin alam ng kasalukuyang kalihim ng DPWH na si Vince Dizon ang naturang uri paglalaan noon ng pondo.
“Kung sa kanila po ito naganap at ito ay kanilang usapan, walang malalaman ang sinuman kung ito ay sariling usapan lang ni Secretary Bonoan at kung sinuman ang official,” ani Castro.
Sa kaniyang testimonya sa Sandiganbayan noong Miyerkules, sinabi ni Bonoan na mayroong “leadership fund” na inilaan ang DPWH para sa mga senador na nagrerekomenda ng listahan ng mga proyekto.
Ayon sa dating kalihim, nagkakahalaga umano ng ₱500 milyon ang alokasyon para sa bawat senador, habang umaabot sa ₱1 bilyon ang pondo sa mga senador na may chairmanship ng mga komite.
Itinanggi ng ilang senador ang naturang alegasyon ni Bonoan, na kabilang sa mga nahaharap sa kaso na may kinalaman sa umano’y maanomalyang paggamit ng pondo para sa flood control.
Sinabi rin ni Castro na hindi na magpapatawag si Marcos ng internal investigation tungkol sa tinatawag na “leadership fund” dahil nasa kamay na ng Sandiganbayan ang kaso.
Idinagdag ng opisyal na walang ganitong pondo na nakapaloob sa panukalang 2027 national budget ng DPWH sa ilalim ng pamumuno ni Dizon.
“No leadership fund under the 2027 budget. All projects proposed in the 2027 DPWH budget are based on needs of the local and regional governments, and if needed, secured clearance from Regional Development Councils to ensure that these benefit the people,” sabi ni Castro batay sa mensahe ng DPWH.
“Only projects that have complete documentary requirements such as plans and programs are submitted to ensure compliance with DBM guidelines,” dagdag niya. — FRJ GMA News

