Isinuko sa Land Transportation Office (LTO) headquarters nitong Lunes ng aktor na si Derek Ramsay at kaibigan niya ang kontrobersiyal na supercar na peke umano ang nakalagay na plaka.
"Yung naging kaso ng supercar na nakapangalan sa artista, si Mr. Ramsay, ay boluntaryong sinurrender sa amin sa LTO. In good faith naman yung registered owner para maimbestigahan mabuti yung mga pangyayari," sabi ni LTO chief Markus Lacanilao sa isang press conference nitong Martes.
"Nag-appear sila kahapon sa akin, pati yung negosyanteng kaibigan niya. Tumugon sila sa show-cause order. Sinurender yung supercar, yung driver's license nung negosyante, Mr. Violago, yung nagda-drive ng sasakyan," dagdag ng opisyal.
Natuklasan na nakapangalan kay Derek ang Porsche 918 na minamaneho ng kaibigan niyang si Anthony Violago.
Batay sa paunang natuklasan ng LTO, ibinenta umano ni Derek ang naturang kotse sa kaniyang kaibigan pero hindi pa naipapalipat ang rehistro ng sasakyan kaya sa aktor pa rin nakapangalan.
Nauna nang naglabas ng pahayag si Derek tungkol sa naturang usapin at sinabing hindi siya nagmamaneho ng sasakyan na peke ang plaka.
Sa ulat ni Maki Pulido ng GMA News, ipinaliwanag umano ni Violago na pinalitan niya ang plaka ng sasakyan na gagamitin niya sa pagdalo sa isang kasalanan. Initial ng kaniyang pangalan ang nais niyang ilagay rito.
Nasa ibang bansa umano noon Derek.
Sinabi ni Lacanilao na magpapatuloy ang imbestigasyon tungkol sa naturang usapin.
" Kailangan makita natin kung bakit nagkaroon ng ibang plaka na hindi galing sa LTO at bakit hindi yun ang nilagay nila," ani Lacanilao.
"Although nagpaliwanag naman yung nagda-drive, humingi siya ng dispensa at inamin niya yung kasalanan niya, yung pagkakamali niya kung bakit nailagay niya yung plaka na yun sa supercar na nakapangalan kay Mr. Ramsay," dagdag ng opisyal.— FRJ GMA News

