Ilang lalaki na sangkot umano sa iligal na droga ang binaril at napatay ng mga salaring nakatakip ang mukha at nakasakay sa mga motorsiklo. Ang isa sa mga biktima, kagagaling lang sa lamay nang barilin sa Caloocan City.

 

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing galing sa lamay ang 38-anyos na si Jefferson Macatuggal, nang barilin ito sa barangay 176 sa Bagong Silang, Caloocan dakong 11:00 p.m. nitong Miyerkules.

Ayon sa bayaw ng biktima, nakasakay sa motorsiklo ang mga nakatakas na salarin.

Isang babae na 14-anyos naman ang dinala sa ospital matapos madamay sa pamamaril.

Ayon sa opisyal ng barangay, ilang beses nang inireklamo si Macatuggal ng ibang residente dahil nagtutulak umano ito ng iligal na droga.

Sa Navotas, binaril at pinatay naman ng mga salaring nakamotorsiklo sa barangay Bangculasi ang 20-anyos na si Raymart Siapo.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ng biktima.

Ayon sa kaibigan ng biktima, nakaistambay sila dakong 11:00 p.m. sa North Bay Boulevard South, nang dumating ang mga lalaki na sakay ng limang motorsiklo at hinanap si Siapo.

Wala na umanong nagawa ang mga kaibigan ng biktima nang kunin ito ng mga armadong lalaki.

Makalipas ang ilang oras, nakita ng mga kaanak sa punerarya ang bangkay ni Siapo.

Ayon sa mga pulis na rumesponde nang makita ang bangkay ng biktima, dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa kaniya.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.

Sa Taguig City, nakasakay pa sa kanyang motorsiklo nang makita ang duguang bangkay ni Jose Romarico Carpeña Jr., dakong 11:00 p.m. nitong Miyerkules sa Purok Singko sa barangay Lower Bicutan.

Ayon sa mga tauhan ng barangay, hindi residente sa kanilang lugar ang biktima na hinihinala nilang nagtutulak ng iligal na droga.

Nang kapkapan ang biktima, may nakuhang anim na sachet ng hinihinalang shabu sa kaniyang bangkay, isang patalim, gunting, cellphone at pera.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang ina ng biktima.

Isang lalaki rin umano ang nasugatan at dinala sa ospital dahil sa naturang insidente ng pamamaril.

Sa Plaridel, Bulacan, patay sa pamamaril ng mga nakatakas ding salarin si Lamberto Lopez, alyas Ambet, na umano'y sangkot din sa iligal na droga.

Nakaistambay lang umano sa labas ng kanyang bahay si Lopez nang barilin ito ng mga salaring naka-bonnet.

Sa Malolos, Bulacan, dalawa ang patay sa magkahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad.

Nanlaban umano kaya napatay ng mga pulis ang isang Alyas Barok at  isang Alyas Russel, nang matunugan na mga operatiba ang kanilang katransaksyon.

May nakuha umanong baril at ilang pakete ng hinihinalang shabu sa dalawa. -- FRJ, GMA News