Nasawi ang isang lalaki nang mauwi sa pananaga ang mainitang pagtatalo nila ng kaniyang nakainumang tiyuhin sa Baybay City, Leyte. Ang suspek, itinuro mismo ang lugar kung saan niya inilibing ang biktima.

Sa ulat ni Ian Cruz sa para sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles, kinilala ang biktimang si Ramil Navas, na ibinurol ng kaniyang tiyuhin na si Avelino Sarabosing sa isang bahagi ng bundok.

Lumabas sa imbestigasyon na nagtalo ang magtiyuhin habang nag-iinuman. nang uminit ang kanilang pag-aaway, pinagtataga ni Sarabosing ang kaniyang pamangkin.

Nahaharap sa kasong parricide ang suspek.

Arestado rin ang kaibigan ng suspek at kainuman din nila na tumulong daw sa pagburol sa biktima.

Dalawang kabataan, sugatan sa pamamaril

Samantala, arestado ang isang lalaki sa Malolos, Bulacan, matapos niyang pagbabarilin ang isang grupo ng mga kabataan na maingay daw sa tapat ng kaniyang bahay.

Nagtamo ang mga biktima ng mga sugat sa hita nang magpaputok ang suspek na si Jerry dela Peña dahil nag-aaway daw ang grupo ng kabataan.

Nang maaresto, umamin ang suspek na nagpaputok nga siya ng baril.

Dahilan niya, gusto niya lang patigilin ang mga kabataan na nangbato ng bote sa kaniyang gate.

Wala umanong lisensiya ang baril ni Dela Peña.

Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide at illegal possession of firearms.

Mister, kulong sa panununtok ng misis

Sa Laoag, Ilocos Norte, nasa piitan ngayon ang isang mister matapos niyang pagsusuntukin ang kaniyang misis.

Kinilala ang suspek na si Romeo Gagarin, na nagsasabing natutulog daw siya nang pagsisipain siya ng kaniyang misis.

Dito niya sinapak sa ulo ang kaniyang asawa.

Itinanggi ng misis ang paninipa at sinabing makikihiga lang sana siya. — Jamil Santos/RSJ, GMA News