Nasawi ang isang ginang at sugatan naman ang kaniyang asawa, dalawang anak at isang pamangkin matapos na masunog ang kanilang bahay sa Limay, Bataan.

Ang mister, pinaghihinalaan ngayon na siya ang nagsindi ng apoy.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Bevelyn Malinao na nagtamo ng mga matitinding paso sa katawan, samantalang nagtamo rin ng mga sugat sa katawan ang kaniyang asawa na si Jaworski Araneta.

Sinabi ng isang saksi na nagtalo ang mag-asawa bago sumiklab ang apoy, na mismong si Araneta raw ang nagsindi.

Ngunit depensa ni Araneta, may ibang tao raw na nagbuhos ng gasolina sa kanilang bahay. Inakala niyang tubig lang ito kaya nagsindi siya ng sigarilyo. Dito na raw nagsimula ang sunog.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Pamamaril sa Kidapawan

Samantala sa Kidapawan City, patay naman ang isang mag-asawa matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang nakamotor na salarin.

Kinilala ang mga biktima na sina William Mendoza at Diana Mendoza.

Sinabing nagpapahinga raw sa harap ng kaniyang tindahan ang ginang nang siya'y pagbabarilin ng mga suspek. Sinubukan naman ng kaniyang asawa na agawin ang baril sa mga salarin kaya nabaril din siya.

Inaalam pa ang motibo sa pagpaslang sa mag-asawa. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News