Dahil sa kakapusan ng pera, nadesisyunan ng isang 45-anyos na basurero na languyin na lang ang dagat mula Cebu hanggang Bohol para mabisita ang puntod ng kaniyang mga magulang ngayong Undas.
Sa ulat ni Louanne Mae Rondina ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing 11 p.m. noong Sabado nang magdesisyon si Ceferino Angco na simulan ang kaniyang paglangoy sa aduana patungo ng Carmen, Bohol.
"Bahala na, baka may makakita," saad niya. "Nagbabaka-sakali lang. Basta makakita lang ako ng masasakyan. Unti-unting mararating ko 'yung Bohol."
Ngunit 8:30 a.m. kinabukasan, namataan si Angco ng mga nagbabantay sa dagat sa Pungaton Reef na nasa bahagi ng Talisay City.
Mula sa lugar ng kaniyang pinagtigilan, nasa mahigit 80 kilometro pa raw ang kailangan niyang lalanguyin.
"Nagbakasakali lang na makabisita ako sa mga magulang ko ngayong Undas. Matagal na kasi akong hindi nakauwi sa amin. Mga anim na taon na. Kaya naisip ko 'yun," paliwanag niya.
Isinailalim sa ilang pagsusuri si Angco, kabilang na ang drug test.
"We have determined that he is not suffering from any acute psychotic episode. Okay lang siya. Pina-drug test natin para sure tayo kasi may times na unpredictable pero okay lang siya. Negative," sabi ni Dr. Rey Cesar Bautista, in-charge city health unit-1.
Nakipag-usap na ang DSWD-Talisay sa DSWD-Carmen, Bohol.
"Sabi niya wala na siyang mga magulang. Ite-turn over natin siya sa nearest relative," saad ni Coleen Enajada, social worker.
May nagkawang-gawa at nagbigay kay Angco ng ticket para makasakay siya ng fastcraft papuntang Bohol nitong Martes.
May tao rin na nagbigay kay Angco ng maaari niyang itanim para magkaroon siya ng bagong kabuhayan.
"Sobra 'yung pasasalamat ko kasi natulungan ako," sabi ni Angco.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
