Nasa kritikal na kundisyon ang isang 15-anyos na lalaki matapos siyang suntukin umano ng 16-anyos na kapwa lalaki sa Barangay Maybunga, Pasig City nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa "24 Oras" nitong Martes, apat na araw nang nasa intensive care unit (ICU) ng Pasig City General Hospital ang biktima na si James Adrian Borbon.
Nagdugo ang kanyang utak habang humihina naman na ang tibok ng puso. Ayon kanyang ina: "Sabi daw po kritikal ang anak ko. Kailangan daw pong magdasal na lang ako."
Habang pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang binatilyong nanuntok kay James, nanawagan ang ina ng biktima: "Alam kong d'yan ka lang, nagtatago. Sumsuko ka na. Panagutan mo ginawa mo sa anak ko. Naghihirap siya sa iyo sa ICU."
Hindi na raw nagpapakita ang suspek sa kanilang lugar at hindi rin daw alam ng kanyang ama kung saan siya pumunta. Ayon naman sa barangay, may record na raw dahil sa pakikipag-away ang menor de edad.
"Kasalanan n'ya. Gampanan lang ho. Makulong s'ya kung makulong," dagdaig nito," sabi ng ama ng suspek.
Inamin niya na masakit sa ulo kanyang anak, pero hindi raw niya ito kinunsinte. "Humingi talaga ako ng pasensya du'n sa ina. Humihingi ako ng paumanhin," anito. — Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News
