Viral ngayon sa social media ang ipinost ng isang may-ari ng bahay sa Quezon City dahil sa pagharang ng isang kotse sa kanilang garahe.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, ipinakita ang kuha sa CCTV sa pagparada ng silver na kotse sa gilid ng kalsada sa nabanggit na lungsod.
Matapos na maiparada, isang babae ang bumaba mula sa driver seat at umalis. Sa kuha mula sa gilid ng CCTV, tila wala namang problema sa pagparada ng sasakyan. Pero mula sa harapan, makikita na nakaharang pala ito sa isang garahe ng bahay na may nakalagay na "no parking sign."
Ikinagalit ng may-ari ng bahay ang ilegal na pagpaparada ng kotse na walong oras daw ang inabot bago bumalik ang driver.
Nang tumawag raw ang may-ari ng bahay sa Metro Manila Development Authority at hotline ng Quezon City para humingi ng tulong upang alisin ang sasakyan, sinabihan daw sila na kailangan munang maghintay ng 12 oras bago ituring na abandonado ang sasakya at saka hahatakin.
Sa huli, tumulong na lang ang barangay para maiurong ang sasakyan upang makalabas ang sasakyan ng may-ari ng bahay.
Nagdikit din ng sulat ang may-ari ng bahay sa nakaharang ng sasakyan upang sabihin na delikado ang pagpa-park sa harap ng kanilang driveway lalo na kung may emergency sa bahay na kaniyang hinarangan.-- FRJ, GMA News
