Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagtatakda ng mas malaking plaka sa mga motorsiklo na ikakabit sa harap at likod. Ipinatupad ito dahil nagagamit ang mga motorsiklo sa mga krimen.

Sa ilalim ng Republic Act 11235 (Motorcycle Crime Prevention Act), inaatasan ang Land Transportation Office (LTO) na magpalabas ng mga mas malaki, mas madaling mabasa, at color-coded license plates ng mga motorsiklo.

Dapat na mababasa ang plaka hanggang sa layo na 15 metro. Ilalagay ang plaka sa harap at sa likod.

Kailangang color coded din ang mga plaka sa bawat rehiyon para mas madaling matukoy kung saan ito nakarehistro.

“The utilization of voluntary and paid labor from prisoners shall be among the requirements to bid for the procurement of the number plates under this Act,” ayon sa batas.

Inatasan ang LTO na ilabas ang mga bagong plaka pagkatapos ng December 31, 2019.

Ang mga motorsiklo na hindi tugma sa bagong ipatutupad na plaka ay kailangang magparehistro muli bago sumapit ang June 30, 2019.

Una nang tinutulan ng ilang grupo ng rider ang naturang panukala dahil sa mapanganib daw ang paglalagay ng mas malaking plaka sa motorsiklo.

"If we place plates that are too big and will be affected by wind, there's no assurance that the mounting points will hold these plates in place," sabi ni Joebert Bolanos ng Riders of the Philippines sa ginanap na pagdinig noong Enero.-

Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP),  mula 2010 hanggang 2017, mayroong 28,409 motorcycle riding crimes o incidents na naiulat. Sa naturang bilang, 13,062 o 46 porsiyento ang sangkot sa pamamaril.

Sa mahigit 4,000 insidenteng nabanggit noong 2016, lumitaw na walong kaso lang ang nalutas.-- FRJ, GMA News