Arestado ang isang lalaking nagpanggap na talent manager sa panggagahasa ng 20-anyos na babae na pinangakuan niya ng kabayaran at pagbida sa isang indie sex film sa Quezon City.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Miles Franes.

Nakasuot pang-guwardiya pa at nasa taping ng isang soap opera nang dakipin si Franes ng mga pulis sa isang kalye.

Agad siyang inaresto matapos makumpirmang siya ang target ng mga awtoridad, na itinuro ng mismong babaeng kaniyang biniktima.

Sa estasyon ng pulis, nagharap sina Franes at ang biktima.

Inilahad ng mga pulis na modus ng suspek na magpanggap na talent manager.

May kondisyon umano si Franes kapalit ng pagbida ng biktima sa indie sex film.

"Kailangan daw ipakita sa producer na mayroon silang sexy scene, 'yung gagawing indie film ng producer," sabi ni Police Lieutenant Colonel Joel Villanueva, Commander, QCPD Station 6.

Nang makuha ng police ang mga video mula kay Franes, nakita dito ang iba't ibang mga babaeng kaniyang biniktima.

Sa mga maseselang video, makikita ang mismong comfort room at kama sa motel kung saan pinapagawa ni Franes sa mga biktima ang audition umano para sa pelikula, pati ang pakikipagtalik niya sa mga ito.

"Pinangakuan ng, 'After nito bibigyan kita ng kabayaran,' hanggang sa sinamantala ng lalaki 'yung pagkakataon na 'yon," ayon pa kay Villanueva.

"Sabi niya po noong una, kunwari lang po. Tapos noong sa huli na po, noong nakahiga na po ako, tinotohanan niya po. Doon niya po ako pinwersa," saad ng biktima.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek nang hingian ng komento ng GMA News.

Nahaharap siya sa kasong rape. —LBG, GMA News