Naging makapagil-hininga ang tagpo sa isang mall sa Hamburg, Germany nang lumambitin at muntikang mahulog sa ibaba ng establisimyento ang isang sasakyan na pumasok dito.

Sa ulat ng Agence France-Presse, nakaligtas naman ang 85-anyos na German pensioner na nagmamaneho sa sasakyan.

"For an unexplained reason, an elderly man drove his SUV through the main entrance of the mall before stopping right on the edge," sabi ng tagapagsalita ng Hamburg firefighters.

 

 

Higit kalahati na lang ng sasakyan ang nakasayad sa sahig ng mall, habang nakalambitin na ang unahang bahagi nito.

Sa kabila ng pinsala sa mall, wala namang seryosong nasaktan sa insidente at dalawang tao lang ang bahagyang nagtamo ng sugat.

Ayon sa isang opisyal, kaunting-kaunti na lang at muntikan nang malaglag ang sasakyan.

"It could have ended much more dramatically—50 centimeters [20 inches] further and the car would have fallen over the edge and we could have expected a lot more injuries," ayon sa isang senior firefighter sa pahayagang Bild. — AFP/FRJ, GMA News