Isang malaking hito na higit 10 kilo umano ang bigat ang nahuli sa Pasig River sa bahagi ng Guadalupe, Makati, ayon sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC).

Sa Facebook post ni PRRC executive director Jose Antonio Goitia, sinabi nito na ibinahagi sa kaniya ang mga larawan ng nahuling mga isda sa ilog, kasama na ang dambuhalang hito.

Ang isang karaniwang hito na may habang 12 pulgada ay karaniwang wala pang isang kilo ang bigat.

Bukod sa hito, may nauna nang mga ulat tungkol sa mga tilapia na nahuhuli rin sa ilog na dating idineklarang patay na bunga ng polusyon.

Ayon sa PRRC, ang nahuhuling mga isda sa ilog ay nagsisilbing inspirasyon sa kanila para lalo pang pangalagaan ang ilog.

Gayunman, nagbabala sila sa pagkain ng mga nakahuhuling isda sa ilog.

"I told them this is good news and I wish them more bountiful catch from the river, but I also had to caution them that the safety of eating fish from the Pasig River remains under study," ayon kay Goitia.--FRJ, GMA News