Sa programang "Mars Pa More," inilahad nina Jelai Andres, Donnalyn Bartolome at Zeinab Harake kung ano ang kanilang natutunan nang minsan sila'y maging martir pagdating sa pag-ibig.
"Naranasan ko lang maging martir. Alam niyo na 'yun 'di ba? Pero ngayon, okay na ako," pag-amin ni Jelai.
Ayon kay Jelai, mas napalapit daw siya sa Diyos at sa pamilya matapos masaktan dahil sa pag-ibig. Higit sa lahat, natutunan niyang magpatawad.
"Kasi 'pag martir, kaya sinabing martir o nagkapamartir ka, ibig sabihin nagpatawad ka, kaya martir ka. Tinanggap mo lahat tapos, ang natutunan ko is... Naisip ko sa sarili ko nu'ng mga times na 'yun, 'Ay hindi ako perfect. Bakit ko kailangang magmataas, nagkakamali din naman ako," saad ni Jelai.
Para naman kay Zeinab: "Ako kasi ganu'n. Okay lang sa akin nasasaktan ako, basta masaya ako kasi nasa akin na."
Mas pipiliin daw ni Zeinab na masaktan kaysa mawala sa kaniya ang taong mahal niya.
"Hindi ako masaya dahil nasasaktan ako. Bale tatanggapin ko na lang, kasi kung hindi ko siya tatanggapin hindi ako sasaya eh," ani Zenaib.
"Para sa akin, siya 'yung nananakit sa 'yo pero siya rin 'yung makakaayos ng heart mo," hirit naman ni Jelai.
Ikinuwento naman ni Donnalyn ang kaniyang pag-move on pagdating sa pag-ibig.
"Ang sa 'kin kasi, hayaan mo lang nang hayaan hanggang sa ikaw na 'yung mapagod. Hindi mo na siya hahabulin, hindi mo na siya mahal. Hanggang sa hindi ka na nahihirapan nang wala siya," sabi ni Donnalyn.
"Makinig ka sa nanay mo. Listen to your mom, 'yun ang natutunan ko," ang natutunan ni Donnalyn. — Jamil Santos/DVM, GMA News
