Isang walong na taong gulang na lalaki ang nasawi matapos siyang matuklaw ng makamandag na king cobra sa Magpet, Cotabato.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na pauwi ang biktimang si Renante Via Jr., galing sa bukid nang maganap ang insidente.
WATCH: Alamin ang mga uri ng makamandag na cobra sa Pilipinas
Nakasakay daw sa kalabaw ang biktima pero bumaba ito habang nasa bahagi pa kabundukan. Hindi nagtagal ay natuklaw na siya ng king cobra na may habang walong talampakan.
Namatay kaagad ang biktima pagkaraan lang ng ilang minuto.
Ang king cobra ay isang uri ng mga makamandag o venomous na ahas na karaniwang makikita sa Pilipinas.--FRJ, GMA News
