Dumagsa ang mga tao sa ancestral house ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City para sa tradisyunal na pamamahagi ng pamasko.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing ilan sa mga pumila ay nagtungo raw sa lugar madaling araw pa lang.

Mula sa Central Park Avenue papunta sa ancestral house ng pamilya ni Duterte,  tanaw na umano ang dami ng mga tao na pumipila para makakuha ng pamasko.

Hindi naman alintana ng mga tao ang puyat, pagod, init at mahabang pila dahil kapalit naman nito ay biyaya.

Bukod sa mga de lata at dalawang kilo ng bigas, nakakakuha ang mga pumila ng pagkain mula sa fastfood, gift certificate na nagkakahalaga ng P300 at pamasahe.

May mga pulis naman na nagbabantay, at may namamahagi ng tubig para sa mga nakapila. Mayroong ding programa para libangin ang mga tao.

Dati na raw ginagawa ng pangulo ang pamamahagi ng pamasko kahit noong alkalde pa lang siya ng lungsod.--FRJ, GMA News