Sumuko sa otoridad ang isa sa apat na persons of interest sa karumal-dumal na pagpatay sa dalawang nursing graduate at isang estudyante sa Caloocan, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.
Mula Samar, sumuko si Anselmo Singkol, 37, isang construction worker. Itinuturing ding persons of interest ang kapatid ni Anselmo na sina Alden at Adonis Singkol, na nauna nang napasakamay ng mga otoridad.
Si Anselmo at iba pang persons of interest ay pawang construction workers na nagtatrabaho sa bahay ng mga biktima sa Amparo Subdivision, North Caloocan nang maganap ang krimen noong September 27.
Matatandaang natagpuang tadtad ng saksak ang mga bangkay ng magpinsang sina Arjay Belencio at Glydel Belonio, at kasama nila sa bahay na si Mona Ismael. Nawawala rin ang ilang mahahalaga nilang gamit tulad ng ATM cards at P40,000.
Ayon sa ulat, kinumbinse si Anselmo na sumuko ng tiyuhin niyang isang retiradong pulis.
Ayon kay Police Colonel Dario Menor, hepe ng Caloocan Police, inamin ni Anselmo na isa siya sa mga nagplano ng krimen pero itinanggi niyang kasama siya sa pagpatay sa mga biktima.
"Sinasabi nitong si Anselmo na si Ronron ang responsable sa pagpatay dito sa tatlo. In fact narinig pa nga daw niya na humingi ng tulong si Glydel, pero it seems na alam talaga niya na gagawin ni Ronron yung napag-usapan nila kaya na-consummate yung crime," ani Menor.
Tatlong kutsilyo ang nakita sa crime scene. Galit at paghihiganti raw ang nakitang motibo sa pagpatay dahil bago raw nangyari ito ay tinanggal sa trabaho ang tatlong magkakapatid.
Tumangging magbigay ng pahayag si Anselmo, na nahaharap sa kasong murder kasama ang dalawa niyang kapatid. —KBK, GMA News
