Nagtaasan ang presyo ng ilang gulay sa pamilihan, katulad ng sili na umabot sa P550 ang kilo, ayon sa ulat ng Dobol B sa News TV nitong Martes.

Sa Marikina Public Market, sinabi ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB, na ang nabanggit na sili ay ang siling labuyo at siling haba na ginagamit na pangsigang.

Dati umanong naglalaro lang saP80 hanggang P100 bawat kilo ang presyo ng dalawa.

Ang iba pang presyo ng gulay sa Marikina Public Market ay:

Ampalaya: P180 per kilo mula sa dating P80 per kilo.
Repolyo at petsay: P120 per kilo mula sa dating P60 per kilo
Patatas at talong: P110 per kilo

Sa Balintawak Market, sinabing nasa P400 per kilo ang presyo ng siling labuyo. Mas mahal naman sa P500 per kilo ang siling haba.

Ang presyo ng iba pang gulay sa Balintawak Market ay:

Carrots: P120 per kilo mula sa dating P40 hanggang P50 per kilo
Sayote: P50 per kilo mula sa dating P20 per kilo
Kangkong: P10 per tali mula sa dating P5 per tali
Patatas: P60 per kilo mula sa dating P40 per kilo
Calamansi: P40 per kilo mula sa dating P30 per kilo

Ayon sa ilang nagtitinda sa Marikina Public Market, kaunti ang dumarating na gulay kaya tumataas ang presyo.

Matatandaan na maraming taniman ang napinsala sa Central at Northern Luzon sa nagdaang mga bagyo tulad ng "Rolly" at "Ulysses."

Samantala, nakita na umabot sa P600 per kilo ang siling labuyo at pangsigang sa Guadalupe Market sa Makati City nang magsagawa ng pag-inspeksiyon ang mga tauhan ng Department of Agriculture (DA).

Ayon sa mga natitinda, nakukuha nila ang produkto sa presyong P500 hanggang P520 per kilo sa mga supplier.

Tumaas din umano ng hanggang triple ang presyo ng sitaw, talong, okra at ampalaya. —FRJ, GMA News