Isang babaeng angkas ng motorsiklo ang nasawi sa Polomolok, South Cotabato, matapos silang mahagip ng isang pickup, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Batay sa imbestigasyon, angkas si Asha Simpal ng kaniyang anak na si Danila at patawid sila sa kabilang lane nang mabangga ng pickup.

Napuruhan si Asha habang itinakbo naman sa ospital si Danila matapos magtamo ng sugat sa ilang bahagi ng katawan.

Nabangga rin ng pickup ang kasalubong na sasakyan. Ayon sa mga nakakita, mabilis ang takbo ng pickup. Nasa kustodiya na ng pulis ang driver. —KBK, GMA News