Isa na ngayong misis si Gladys Guevarra matapos siyang magpakasal sa kaniyang non-showbiz boyfriend na si Michael Guardian sa Amerika nitong Mayo. Nagpaliwanag naman ang komedyana sa tila agaran niyang desisyon na lumagay na sa tahimik.

"Nakakakilig. Nasa cloud nine pa ako," sagot ni Gladys nang kumustahin tungkol sa kasal nila ni Mike sa Mars Pa More.

Ayon kay Gladys, wala talaga sa plano niya na magkaroon ng lovelife noong nakaraang taon.

"Umalis ako diyan (Pilipinas) last year. Tapos sabi ko magpapahinga lang ako, magpa-Pasko ako dito sa pamangkin ko, tapos babalik ako diyan ng March."

Gayunman, binabakunahan din maging ang mga visitor sa Amerika kaya hininintay na ni Gladys ang bakuna.

"Kasabay ng vaccine, nagkaroon ako ng lovelife," kinikilig na sabi ng komedyana. "Nagkakilala kami sa common friend, 'yung friend ng friend."

Natutuwa namang ikinuwento ni Gladys na nasasabay ang kanilang love story sa mga mahahalagang petsa sa kalendaryo.

"Kasi 'yung first date namin was March 31, pa-April Fool's, April 1. So nu'ng nag-post ako sa social media na hawak niya 'yung kamay ko, sabi ko 'Huwag mabahala, April Fool's nga 'di ba?' So hindi ko naman ine-expect. After ng April Fool's, naglabas kami ng live video sa Facebook ko, kami na, April 12, Linggo ng Pagkabuhay."

"Tapos noong nag-uusap na kami and all that, kinasal pala kami Mother's Day," pagpapatuloy ni Gladys.

 

 

Sa isa pa niyang Instagram post, sinabi ni Gladys na siya na ngayon si "Mrs. Michael Guardian."

"What brought you to the decision na magpakasal agad? Kasi knowing na kakakilala niyo lang tapos siyempre kaka-start pa lang ng relationship, paano kayo biglang napunta doon sa kasalan?" diretsong tanong ng host na si Camille Prats.

"Alam kong maraming magre-react dito, kasi 'di ba, my life has been an open book. But this time kasi, ito 'yung totoong masasabi kong spark. Ito 'yung totoong masasabi ko na 'Ay, may feelings na involved,'" sagot ni Gladys.

Wala man sa orihinal niyang plano, pero ayon kay Gladys: "Parang binigyan na ako ni Lord ng 'Ito.' So hindi ko na rin ito [pinalagpas]. Ito na 'yun." —Jamil Santos/NB, GMA News