Inilahad ni Michael V. na nakadama ng kalungkutan ang original cast ng Pepito Manaloto sa pansamantalang pagtatapos ng serye.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing nahirapan ang cast dahil nabuo na nila ang ibang klaseng samahan sa loob ng mahigit isang dekada nang pagsasama sa sitcom.

"Ramdam na ramdam mo na 'yung pagkaka-miss ng bawat isa. Parang lahat nga kami willing, gusto uli naming magtrabaho nang sama-sama sana, kaya lang talagang hindi puwede," sabi ni Michael.

Nagsimula nang mapanood ang Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento, na pagbabalik-tanaw sa buhay nina Pepito at Elsa noong dekada 80s bago pa sila magligawan.

"Malalaman nila kung paano nga ba mabuhay noong 80s, makikita ang ugali nina Pepito, Elsa at 'yung mga kasamahan pa natin noon," ayon kay Manilyn Reynes.

"Kailangan kasi naming makabuwelo uli para malaman how we will approach another season. At itong 'Unang Kuwento' is a big part of that kasi dito namin kukunin 'yung lessons na matututunan namin," saad ni Michael.

Gaganap si Sef Cadayona bilang ang batang si Pepito habang si Mikee Quintos naman ang gaganap bilang ang batang si Elsa.

Makakasama rin nila sa cast sina Kokoy de Santos, Gladys Reyes, Pokwang at marami pang iba.

Mapapanood pa rin sina Michael at Manilyn bilang taga-kuwento sa serye. — Jamil Santos/DVM, GMA News