Iginiit ng Malacañang nitong Martes na walang pangalan na binanggit si Pangulong Rodrigo Duterte nang magpasaring ang Punong Ehekutibo tungkol sa isang tao na may larawan umano sa Facebook na nakabikini at parang callboy.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi niya malaman kung bakit naugnay si Manila Mayor Isko Moreno sa naturang usapin.
“Hindi ko alam bakit nilalabas mo ang pangalan ni Isko Moreno. Hindi ko alam na siya ang naka-pose roon [ng sexy],” pahayag ni Roque nang matanong kung bakit itinalaga noon ni Duterte si Moreno bilang undersecretary sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2018.
Sa Talk to the People nitong Lunes, nagsabi si Duterte na: “Kayong mga Pilipino, huwag kayong magpaloko diyan sa mga padrama magsalita pati kung...nakita ko nga sa Facebook kanina, lahat nang nakabikini ang g***. Tapos may isang picture pa doon na sinisilip niya 'yung ari niya. Iyan ang gusto ninyo? Ang training, parang call boy. Iyan ang training ng presidente, maghubad at magpa-picture at magsilip, magyabang sa kanilang ari.”
Walang pangalan na binanggit si Duterte pero mayroon mga larawan ang dating aktor na si Moreno sa internet na naka-brief lang na pinapaniwalaang kinunan noon kaugnay sa dati niyang mga proyekto bilang artista at modelo.
Nang tanungin pa si Roque kung bakit ipinupunto ni Duterte ang usapin ng moralidad pero inamin niya noong kabataan niya na may minolestiya siyang kasambahay, giit ng tagapagsalita: “Ewan ko po, pero wala pong mga ganoong larawan ang Presidente.”
“He never posed for pictures like that, let us leave it at that. It is not for me to say,” dagdag ni Roque.
Dahil napag-usapan pa rin ang moralidad sa mga opisyal, hiningin din ng reaksiyon si Roque sa ginawang pagtalaga ni Duterte kay Mocha Uson, dating sexy performer, na ginawang assistant secretary sa Presidential Communcitions Operations Office, at inilipat bilang deputy administrator ng Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay Roque, hindi niya alam ang tungkol sa nakaraan ni Uson.
“Ang ini-issue lang niya is ano ang moral ascendancy nitong taong ‘to para mamuno ‘no. Si Mocha Uson, well, na-appoint po iyan pero hindi ko naman po alam kung ano talaga nakaraan ni Mocha Uson ‘no sa totoo lang po ‘no. Ang sinasabi ko lang is the President gave her a second chance and I think she took advantage of the second chance,” paliwanag ni Roque.
“Pero iyong konteksto po ng sinasabi ni Presidente kagabi, ang narinig ko lang naman po is ito ba ang gusto ninyo. So iyon lang po, it’s a question, it’s a bending question to the sambayanan," patuloy niya.
Itinanggi rin ni Roque na inalisan ni Duterte ng kapangyarihan ang lokal na pamahalaan ng Maynila na mamahagi ng pinansiyal na ayuda ngayong lockdown dahil umano sa pagiging incompetent.
“Hindi nabanggit ng Presidente [kung sino]. As a spokesperson, I cannot add to that. I will have to leave it at that,” saad niya.
“I leave the decision to DILG (Department of Interior and Local Government) and DSWD (Department of Interior and Local Government) kasi sila ang inutusan,” ani Roque.
Una rito, sinabi ng DILG na wala silang natatanggap na utos mula sa Palasyo na mayroon lokal na pamahalaan na hindi papayagang mamahagi ng ayuda sa kaniyang nasasakupan.—FRJ, GMA News
