Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos ma-huli cam ang pandurukot nila ng cellphone mula sa backpack ng isang 15-anyos na lalaki sa Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa CCTV ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) ang pagsunod ng dalawang suspek sa naglalakad na biktima.
Ilang saglit pa, binuksan ng nakaitim na suspek ang backpack at dinukot ang cellphone ng biktima, saka patagong ipinasa sa isa pang kasamahan.
Naramdaman ng biktima ang pandurukot kaya kinompronta niya ang nakaitim na suspek, pero nakaalis na pala ang isa pang suspek na pinasahan ng cellphone.
Nakapagsumbong ang biktima sa pulisya sa lugar kaya nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Ritchie Martinez at Valentino Tuli.
"Makikita natin na talagang bihasa sila sa pandurukot. Napakabilis ng pandurukot nila eh, agad-agad alam nila kung kanino ipapasa, paano nila lalansihin o paano nila lilituhin 'yung kanilang mabibiktima," sabi ni Sta. Cruz, Manila PNP Station Commander Police Lieutenant Colonel John Guiagui.
Nabawi sa mga salarin ang cellphone na may halagang P13,000, na ginagamit ng biktima sa kaniyang online class.
Umamin ang mga suspek na sila ang nahagip ng CCTV.
"Naglalakad po 'yung biktima, binubuksan po namin 'yung bag. Tinitingnan po namin kung meron po kaming makukuha, wala po. Tapos kung meron po kaming makukuha, bubuksan namin 'yung bag," sabi ni Martinez.
Nagsisisi umano ang mga suspek sa kanilang ginawa.
"Pinasa lang sa akin tapos dire-diretso po ako bumaba. Meron po akong trabaho kaya lang ako lang po nag-ano sa amin sa bahay namin," sabi ni Tuli.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong theft. — Jamil Santos/VBL, GMA News
