Nailigtas mula sa euthanasia o mercy killing ang isang asong inakalang may sakit. Ang nasabing aso, buntis pala at nagkamali raw ang mga beterinaryong tumingin dito.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News “State of the Nation” nitong Miyerkoles, sinabing bunsong anak na kung ituring ni Marietoni Fugrad ang aso niyang si Yuna.
“First dog ko siya, first pet ko. Parang anak ko na siya at kasama ko siya through thick and thin. Ang dami na po naming napagdaanan ni Yuna,” saad ni Fugrad.
Nitong Nobyembre 2022, kinabahan daw siya nang makita na tila may iniindang sakit ang alaga.
Pinatingnan daw nila ito noong Disyembre sa beterinaryo dahil lumalaki ang tiyan at laging umiiyak.
Matapos kunan ng dugo si Yuna, sinabi raw ng beterinaryo na may pyometra ito o impeksyon sa uterus dahil sa hormonal change.
“’Yung diagnosis ng doctor is parang sabi 50/50. Kahit maoperahan siya possible na magka-bleeding, parang wala ng pag-asa, in other words,” ani Fugrad.
Ganoon din daw ang sinabi ng isa pang beterinaryo.
Kaya naman nagdesisyon ang pamilya na ipa-euthanize si Yuna.
Pero nitong Linggo, muling naghanap ng beterinaryo para i-confine ang alaga.
Habang hinihintay na sumailalim sa euthanasia, nakiusap ang kaibigan ni Fugrad na huwag muna itong ituloy.
“Nagkaroon ako ng courage na kausapin si Ate Toni na baka naman puwedeng ilaban pa natin. Magtulungan tayo,” sambit ni Raniel Tiglao, kaibigan ni Fugrad na isang animal advocate.
Ayon kay Fugrad, may napansin ang isang assistant sa alaga.
“’Yung breast ni Yuna malaki tapos nu’ng pinisil po nila, may milk na lumabas. So nang na-ultrasound, doon nakita na buntis si Yuna,” aniya.
“Nawala ‘yung tinik sa dibdib ko. Salamat kasi hindi ko itinuloy na ipa-euthanize siya kasi nga ang dami kong madadamay na puppy,” dagdag pa niya.
Laking pasasalamat daw ni Fugrad sa mga doktor sa nasabing animal center.
Panawagan pa niya sa mga beterinaryo, “Huwag po kayong padalos-dalos. Imbestigahan ninyo talaga kung kailangan ng ultrasound, x-ray.”
Wala pang pahayag tungkol dito ang mga naunang kinonsultang beterinaryo ng pamilya.
Samantala, sinabi ni Dr. Mitzi Padrinao ng JM Padrinao Animal Clinic, na kailangan suriin maigi ang isang hayop bago isailalim sa euthanasia.
“Kailangang may test siyempre ‘yung pagkasakit ng tiyan maraming klase… puwedeng may viral infection, may bacterial infection may pyometra, puwedeng pregnant, puwedeng may foreign body, puwedeng may tumor, so maraming dahilan kung bakit sumasakit ‘yung tiyan,” saad ni Padrinao.
Hinikayat naman ni Dr. Bernard Baysic, Presidente ng Philippine Veterinary Medical Association, ang publiko na dumulog sa kanilang ahensya kung sakaling may reklamo sa mga beterinaryo.
“If you have any concerns po sa ating mga veterinarians, mapa-clinic po o sa mga farm, we would really love to hear from you po. We would like to help you po and then alamin kung ano po ‘yung nangyari,” saad ni Baysic.
Sa ngayon, nasa maayos na kondisyon na si Yuna kasama ang anim nitong puppies na isinilang via Ceasarean section. -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News
