Patay ang walong pulis sa banggaan ng dalawang van at isang trak sa Naawan, Misamis Oriental noong Sabado.

Ang mga biktimang pulis ay tauhan ng Philippine National Police Region 10 na nanggaling sa isang training, base sa “24 Oras Weekend” report.

Sakay ang mga biktima ng dalawang van at patungo sana sa Iligan City sa Lanao Del Norte.

Nagtangka umano ang dalawang van na mag-overtake sa isang trak sa kalagitnaan ng byahe, ngunit pumutok ang gulong sa unahang bahagi ng trak kaya nagkaroon ng karambola.

Sugatan ang 23 katao sa insidente, batay sa pinakahuling report ng Naawan Police.

Dalawampu sa kanila ay kabaro ng mga nasawing pulis, habang tatlo ay mga sibilyan.

Kasama sa mga sugatan ang drayber ng trak na ngayo’y ginagamot sa isang ospital sa Cagayan de Oro City. —LBG, GMA Integrated News