Inihayag ni Winwyn Marquez na naging maayos, may closure at walang nasangkot na third party sa paghihiwalay nila noon ni Mark Herras.

“Kayo ba ni Mark Herras maayos na naghiwalay?” tanong ni Tito Boy Abunda kay Winwyn sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

“Yes,” tugon ni Winwyn.

May closure rin silang naghiwalay ng aktor, bagama’t sinabi niyang hindi na nila naayos ang kanilang mga naging gusot noon.

“The breakup was mutual. Talagang pinag-usapan namin na, it wasn’t working out. We have different paths talaga. It was really maayos. Walang third party or anything, nothing like that. It was maayos po,” sabi ni Winwyn.

Kinumpirma ni Winwyn na nagkahiwalay sila ni Mark noong 2019, matapos ang tatlong taong relasyon.

Nagsalita rin si Mark tungkol sa naging relasyon niya sa beauty queen-actress.

“Hindi na healthy. Sobrang stressful na ang nangyayari sa aming dalawa,” sabi ni Mark

Hands on mom ngayon si Winwyn sa kaniyang anak na si Baby Luna.

Ikinasal naman sina Mark at Nicole Donesa noong 2021. May isa na silang anak na si Baby Corky.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News