Sa kulungan ang bagsak ng isang jeepney driver na dalawang buwan pa lamang nagmamaneho sa Maynila, matapos niyang takasan at pagbantaan pa umano ang buhay ng sumita sa kaniyang traffic enforcer sa Pedro Gil Street.

Sa ulat ni Nico Waje sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapapanood sa CCTV ang paghuli kay Mharwen Areglado ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau matapos niyang magbaba ng pasahero sa maling lugar.

Sa halip na huminto at makipag-usap, unti-unti pa rin niyang pinaaandar ang jeep, kaya umupo na ang isang enforcer sa bumper ng sasakyan.

Hindi nagpatinag ang driver, at patuloy na pinaandar ang jeep pagkaliko sa isang kalye para tumakas kaya hinabol na siya ng mga enforcer.

Inabutan ang driver at nadakip.

Ayon kay Melandro Alarcon, ang enforcer na sumakay sa bumper ng jeep, nakikipagtalo pa si Areglado nang kaniyang tiketan.

Bukod dito, pinagbantaan pa umano siya ng jeepney driver na papatayin siya nito.

“Kinabahan talaga ako, natakot talaga ako kasi nga hindi na biro ‘yung tulin niya,” sabi ni Alarcon.

Iginiit ni Areglado na wala siyang violation, ngunit pinagsisisihan niya ang kaniyang nagawa.

“Pasensya na po sa nangyari kung gano’n po. Wala naman po akong intensyon na saktan siya eh tsaka ‘yung pinaparatang nila sa akin na papatayin ko po siya, wala po akong ano sa isip ko. Natakot lang po kasi ako kaya ganoon po ‘yung nangyari,” sabi ni Areglado.

Sa halip na magbayad lamang ng P500 dahil sa disregarding traffic sign violation, mahaharap pa sa kasong direct assault si Areglado. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News