Magkakasunod na dinakip ang tatlong magkakapatid na nakapatay sa isa sa mga gumulpi sa kanilang ama at sumugod sa kanilang bahay noong 2016. Giit ng isa sa mga suspek, self-defense ang nangyari.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Miyerkoles, inaresto sina Mark Anthony Gubat sa pinapasukan nito sa Malabon; Lloyd sa Rodriguez, Rizal; at Morrish Ann sa San Mateo.

Sinabi ng CIDG Detection and Special Operations Unit na nangyari ang insidente sa Barangay Gulod Malaya sa San Mateo kung saan binugbog ang ama ng mga suspek.

Ayon sa CIDG-DSOU, nakapag-inuman noon ang tatay ng mga suspek at umuwi ito na may mga pasa. Pag-uwi sa bahay, sinundan pa ito ng mga kainuman at binugbog.

Ngunit nadisgrasya ng magkakapatid at ng kanilang ama ang isa sa tatlong lumusob sa kanilang bahay.

“Paglabas ko po kasi ng gate noon sa bahay namin, may tatlong tao na nasa bungad ng gate tapos pinagpapalo po ako ng isa ng tubo, nasa bungad. And then pumasok ako sa loob ng bakuran namin, kumuha po ako ng kutsilyo,” sabi ni Lloyd.

“Pagkakuha ko ng kutsilyo lumaban na po ako. Kasi sumugod po hanggang sa loob,” dagdag ni Lloyd.

Pinaghahanap din sa kasong murder ang ama nila na si Eddie, na nakatakda nang sumuko noong nakaraang linggo pero hindi natuloy.

“Self defense po kasi talaga ang nangyari. Sinugod po kami sa bahay noong nangyari po iyon, tapos hindi naman namin inaasahan na ganoon ang mangyayari na mamamatay ang tao,” sabi ni Lloyd.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News