Nasunog ang magkatabing bahay sa Barangay 148 Bagong Barrio Caloocan pasado alas tres ng madaling araw.
Mabilis na kumalat ang apoy kaya itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma.
Walang naisalbang gamit ang pamilya Ramo.
Laking pasasalamat pa rin ng apat na magkakapatid at kanilang padre de pamilya na ligtas silang nakalabas.
Kasama rin nilang lumikas ang alagang aso.
“Nakita ko na lang po na umaapoy po ‘yung sa may taas po namin tapos ginising ko po tatay ko. ‘Yung kapatid ko po sa baba niya po ‘yon muntik na po siya kung hindi ako nagising baka po inabot kapatid ko,” ani Mikailla Ramo.
Nadamay naman ang isa pang bahay maging ang sari-sari store nito sa unang palapag.
Kwento ng isa sa mga natira sa bahay na si Edgar Masas: “Sumiklab na ‘yung apoy. Hindi ko na nakuha mga gamit ko sa itaas, mga cellphone namin hindi nakuha lahat. Sa kabila binasag ko yung sa pintuan para buhusan ng tubig hindi talaga kaya.”
Ayon sa BFP, tatlong pamilya ang naapektuhan sa sunog na inaalam pa raw nila ang sanhi.
“Nagsimula ‘yung sunog parte doon sa likod composed of light materials po siya so kahoy plywood. ‘Yung cause po ng sunog until now under investigation pa po,” ani SFO1 Ronel Pacao, ang officer of the day ng BFP-Caloocan.
Naapula ang sunog bandang alas kwatro ng umaga.
Nananawagan naman ng tulong ang mga pamilyang naapektuhan. — BAP, GMA Integrated News

