Kilala sa kaniyang pagdadamit bilang isang babae, nagpaliwanag si Super Tekla tungkol sa kaniyang kasarian.

Sa “Sarap ‘Di Ba?” kinumpirma ni Tekla na isa siyang lalaki. Gayunman, napagtanto niyang hindi angkop ang bihis lalaki sa kaniyang trabaho bilang komedyante.

“Trinry (try) kong magdamit panglalaki or way na panglalaki. Mukha akong tanga, parang hindi effective. Feeling ko magugutom ako,” sabi ni Tekla.

“‘Pag sa normal life ko, talagang lalaki ang bihis. Kung dito lang like sa mga comedy bar, sa mga raket, nagde-dress up talaga ako ng pambabae,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Tekla na sinubok niya ang kaniyang sexual identity bago nakumpirmang straight siya.

Ayon kay Tekla, nagdadamit siya ng pambabae bilang parte lamang ng kaniyang karakter.

“Ina-adapt ko na lang siya, kasi kailangan mong maging madiskarte rito… kung kailangan mong sumabay, kung saan ka, wala namang masasagasaan. You have to build your character, you have to build your own identity na ikaw ‘yan.”

May tatlong anak si Tekla: Si Aira na malapit nang mag-edad 16, si Angelo na edad 3, at isang isang taong gulang na sanggol.

Inilahad ni Tekla ang kaniyang paghanga sa panganay na si Aira na napalaki nang maayos, kaya hindi na niya kailangang ipaliwanag pa ang kaniyang trabaho.

“Si Aira kasi matalinong bata ‘yun eh. Mabait, napalaki [nang maayos], feeling ko hindi ko na kailangang i-explain,” saad ng Kapuso comedian.

Dagdag niya, bata pa lamang si Aira nang makita na nito ang kaniyang pagdadamit babae sa trabaho.

“From the beginning, four years old siya, sumisigaw na ‘yan siya na ‘Daddy!’ kapag kumakanta ako on stage,” sabi ni Tekla.

“Feeling ko paglaki ng batang ito, hindi ako mahihirapang i-explain ‘yung work,” pagpapatuloy niya.

Sa naturang episode, sinorpresa si Tekla ng isang mensahe mula kay Aira.

“Gusto ko pong sabihin na salamat sa pag-provide ng mga kailangan ko at saka hindi mo ako pinababayaan at nakakalimutan tuwing nag-a-abroad ka. Kahit po hindi tayo nagkikita, lagi kitang pinagdarasal. Hindi man tayo nag-uusap palagi or nagme-message pero lagi po kitang naaalala at ‘di ka po nawawala sa isip ko,” sabi ni Aira.

“Pine-pray ko po lagi na bigyan ka pa ng magandang kalusugan at mahabang buhay, para magkasama tayo pagdating ko ng college,” dagdag ng anak ni Tekla.

“Daddy, mahal na mahal kita at pinagmamalaki ko na ikaw ang aking tatay,” mensahe pa ni Aira kay Tekla.

“Napaka-polite. Napakahusay ng pagpapalaki ng lola niya, which is ‘yung mga pagkukulang ko, na-provide ni Mommy Elvira. ‘Yun din ang pinasasalamatan ko Diyos na, at least, [ginabayan] ‘yung anak ko na hindi [mapunta] sa masamang landas. Well-guided si Aira, sobra,” emosyonal na sabi ni Tekla. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News