Sa joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Rizal Philippine National Police (PNP), naaresto ang isang lalaking rider na nagbebenta ng iligal na droga sa iba't ibang lugar sa Metro Manila at Rizal province.
Nadakip siya ng mga pulis sa Barangay Ampid, San Mateo, Rizal noong Lunes.
Ayon sa pulisya, dalawang linggong mino-monitor ang suspek na kinilalang si Alyas Ramos, 34 anyos at residente ng Buntong Palay sa Purok 1 Silangan sa San Mateo.
“Yung suspect is isang motortaxi rider at nahuli siya sa isang mall dito sa San Mateo. (jump) Ang suplay nya is coming from Metro Manila din at yun nga ang area of operation is somewhere in Quezon City and nearby cities,” ayon kay Police Colonel Felipe B. Maraggun, Rizal Provincial Police director.
Nakumpiska sa suspek ang apat na pakete ng umano'y shabu na tumitimbang ng mahigit 200 gramo at nagkakahalaga ng P1.36 milliong piso.
“Dahil na-confiscate natin, na-stop natin yung kanilang transactions na pwedeng ma-distribute pa lalong lalo na sa ating mga kabataan na pwedeng mabiktima nitong iligal na droga,” ayon kay Maraggun.
Walang pahayag ang suspek na kasalukuyang naka detain sa custodial facility ng PDEA Calabarzon sa Laguna.
Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. — BAP, GMA Integrated News
