Nasawi ang dalawang lalaking welder matapos hindi makalabas sa nasunog na storage room ng kinukumpuning barko sa Barangay San Jose, Navotas City kagabi.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), ang storage room ay nasa itaas na bahagi ng ballast ng barko.
Doon natagpuan ang bangkay ng dalawang biktima.
Naging pahirapan daw ang operasyon ng mga bombero.
“Pagpasok nila kasi nga medyo confined yung sunog ibig sabihin nasa loob siya at limitado lamang ang lagusan pati ang mga bintana kaya nahirapan ang ating mga bumbero para mapasok ito,” ani Fire Supt. Ronaldo Sanchez, ang fire marshal ng Navotas City.
Nasa 20 hanggang 25 trabahador ang gumagawa sa iba’t ibang bahagi ng barko nang mangyari ang insidente.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagwewelding noon sa storage room ang dalawang biktima.
May mga nakaimbak din doon na mga life vests at kutson.“Malaki ang posibilidad na galing talaga ‘yon sa welding of course pero ang question is gaano kabilis lumaki yung apoy at paano kaagad hindi nakalabas itong mga biktima,” dagdag ni Fire Supt. Sanchez.
Umabot sa unang alarma ang sunog na idineklarang fire out bandang alas dos ng madaling araw.
Inaalam pa ng BFP kung may nalabag sa fire safety code ang contractor.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng contractor. — BAP, GMA Integrated News
