Tatlo ang nasawi at 12 ang sugatan nang sumalpok ang isang kotse sa grupo ng mga tao na estudyante ang karamihan sa labas ng isang paaralan sa Sanxia New Taipe City, Taiwan.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nangyari ang insidente malapit sa Taipei dakong 4:00 pm (0800 GMT) nang tumawid sa red light ang sasakyang minamaneho ng isang 78-anyos na lalaki.

Bumangga ito sa tatlong motorsiklo at isang bisikleta bago tinamaan ang mga estudyante at matatanda.

Sa mga video na ibinahagi ng pulisya, makikitang may mga taong nagsasagawa ng chest compressions sa mga biktimang nakahandusay sa kalsada, habang dinadala naman ng mga emergency personnel ang ibang nasugatan sa ospital.

"For unknown reasons, the vehicle accelerated suddenly," ayon sa pahayag ng pulisya.

Nasa 15 tao, kabilang ang driver, ang dinala sa ospital dahil sa tinamong mga pinsala "of varying severity."

Kinalaunan, tatlo ang nasawi sa ospital, kabilang ang dalawang biktima na 12-anyos, at isang babae na 40-anyos.

Wala umanong malay ang driver, pero nagnegatibo siya sa alak, ayon sa pulisya.

Siyam sa mga biktima ay nasa edad 12 hanggang 15 mula sa Sanxia Junior High School. Pinakabata ay edad anim mula sa kalapit na kindergarten.

Sa inilabas na pahayag ng Presidential Office, ikinalungkot ni President Lai Ching-te ang nangyaring trahediya.

Binisita ni Lai ang mga biktima sa ospital at iniutos ang pagbuo ng task force na tutulong sa mga biktima at pamilya nito. Kasama na rin ang pagsisiyasat sa insidente.

Nagtungo na rin sa ospital si New Taipei City Mayor Hou Yu-ih, para alamin ang kalagayan ng mga biktima.

"We will clarify the responsibility as soon as possible and give the public an explanation," ani Hou. — FRJ, GMA Integrated News