Isang sanggol ang natagpuang patay sa isang basurahan sa Pasig City.
Mag-aalas dos ng hapon nitong Martes nang matagpuan ng mga residente ang isang pata na bagong silang na sanggol sa basurahan sa bahagi ng Block 34 ng Eusebio Avenue, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.
Isinilid siya sa isang kulay na asul na plastic kung saan nakahalo ang mga basura.
Ayon sa may ari ng katabing gusali, nakita ito ng isa sa mga nangungupahan sa kanya.
“Una may dumaan na jeep, nagulungan yung gilid ng plastic then pangalawa may dumating na truck then yung huli may kotse na dumaan hanggang sa nabuklat yung plastic, may laman palang bata,” ayon kay John Mar Cagas.
Agad raw nilang binalutan ng tela ang sanggol at tsaka tumawag sa 911.
Pero halos 30 minuto na ang nakalipas nang dumating ang barangay official at ang mga pulis.
Alas kwatro naman ng hapon nang dumating ang ambulansiya na nagsuri sa katawan ng biktima.
Dito napag alaman na posibleng nasa pitong buwang gulang ang sanggol na lalaki.
Pero, hindi rin agad nakuha ang bangkay na umalingasaw na at naaamoy na ng ilang residente.
Inabot pa ng sampung oras ang pagdating ng punerarya na kumuha sa katawan ng sanggol, mag aalas dose na ng hantinggabi kanina.
Pero paliwanag ng barangay, kailangan kasi ng sanitary permit para makuha ng punerarya ang bangkay.
Kadalasan raw nag-aasikaso nito ay ang mga kaanak ng namatay.
Pero sa ganitong pangyayari, SOCO os Scene of the Crime Operatives umano ang nakikipag ugnayan sa punerarya.
“Wala pong dumating na mga SOCO at pina shoulder po sa barangay po yung coordination po sa ating mga punerarya,” sabi ni Kagawad Jess Santos.
Sinubukan namin kuhanan ng pahayag ang investigation section ng Pasig City Police Station pero wala pang sumasagot sa kanila.
Sabi naman ng barangay, makikipagtulungan sila sa mga awtoridad para sa backtracking ng mga CCTV na posibleng makapag turo sa kinaroroonan ng nagtapon ng sanggol.
Hindi kasi masabi kung resident nila ito dahil boundary rin ito ng Taytay, Rizal at Taguig City.
Wala rin daw kasing CCTV ang barangay na nakatutok sa basurahan.
“Panawagan na rin dun sa mga nakakakilala po or may nakakaalam kung sino mga kaanak nito, magulang baka po pwede ipagbigay alam samin sa barangay para po mapuntahan sila para mailibing din po natin ng maayos yung bata,” ani Kagawad Arcie Lucas. — BAP, GMA Integrated News
